Wednesday, December 31, 2014

Coco is Love.



Wala akong paki sa mga artista... maliban kay Coco Martin.

Kaya kong hindi tumili, magpa-picture, kiligin, kapag nakakakita ng mga artista, pero makakita lang ako ng picture ni Coco, lusaw na ako. Hindi ko pa kasi siya nakikita ng personal. *sobs*

Minsan nga, kapag may mga bumibisitang artista sa school, o ilang mga sikat na personalidad, tinatanong ako ng mga estudyante ko kung bakit hindi daw ako nagpapa-picture kagaya ng ibang teachers o staff. Ang isasagot ko lang sa kanila: "Hindi kasi ako fan." Tapos magbabanggit na lang ako ng ilang mga musikero o writer na kapag sila ang pumunta sa school, siguradong magpa-picture ako. O kaya minsan, ibinibigay ko na ring example si Coco Martin (alam naman na nila na siya ang crush kong celebrity, hehe). 

Pinanood ko sa iWantv.com ng ABS-CBN yung limang episode ng Kris TV na nag-feature ng bahay--mansion-- ni Coco. Doon ko lang din nalaman na naka-feature din pala siya sa January issue ng YES! Magazine. Syempre, bili ako agad.




Ang bongga-bongga ng bahay niya, grabe. Mansion. Mansion talaga. Pero hindi siya raw mahilig magpa-party dun, kasi hindi siya marunong mag-entertain. Hehe. Nabanggit din sa write-up na dati pala, pinilit siya ng mganager niya na mag-aral mag-English at tamang pananamit. Ipa-package siya na a la Piolo and John Lloyd: refined leading men.

Pero ayaw niya. Minahal daw kasi siya ng tao dahil sa kung ano siya: hindi katangkaran, masa, hindi Inglesero. 

True enough, A-lister pa rin siya ngayon kahit na marami siyang flaws. Susme, kapag nga nanonood ako ng interviews niya, madalas ako makarinig ng maling grammar. At dahil dati akong recruiter sa call center, medyo partikular ako doon ... pero... si COCO MARTIN 'YON EH. So, keribels lang.


He has come a long way from the Novaliches kid na naniningil ng pautang ng lola niya. Kwarto pa lang niya, ang laki na ng pinagkaiba noon at ngayon. Pero, sa tingin ko, yung core niya, yung values na itinuro sa kanya ng lola niya, 'yun pa rin. It shows sa mga interview sa kanya, sa trabaho niya, at sa mga naipundar niya. 

Ngayon, ang kailangan ko na lang gawin ay magkatagpo ang landas namin ni Coco my labs.  Goal ko 'yan this 2015. Kasi, sabi niya dun sa YES! Mag interview, ang gusto niya, yung parang lola niya. Marunong magdala ng pamilya, matutulungan siya sa trabaho. Pisces daw yung lola niya (kaya mga isda yung sculpture na nasa front door ng mansion nila)... at.. AT! Pisces din ako. Hihihi.

Paano ka kaya mapapasaakin, Coco Martin?


Saturday, December 27, 2014

The Noise of the Empty Cans


...

Wednesday, December 24, 2014

All for the Love of Penguins

Photo Credit: Rappler.com

Nanood ako kahapon ng 'Penguins of Madagascar' movie sa sinehan. Mag-isa. 

Muntik na nga akong mag-back-out. 7PM yung simula ng palabas, at 6:45 ako pumasok. Kaso, AKO LANG MAG-ISA YUNG TAO SA SINEHAN. Kahit naman anong lakas ng loob ko (kuno), marunong pa rin naman ako matakot. Pero hindi muna ako lumabas, nag-CR muna ako. Medyo nakahinga ako ng maluwag nung may pumasok na taga-linis sa loob. Ambobong tanong, pero tinanong ko pa rin siya kung safe nga ba na manood ako mag-isa. Sabi niya, oo naman daw. Tapos habang nag-uusap kami, may pumasok nang ibang mga moviegoers. "Ayan, sama ka na lang sa kanila," sabi ni ate. Nag-thank you na ako sa kanya tapos bumalik na ko sa loob. Naisip ko nun, sa wakas,  dumating na rin yung dalawa sa apat na nagpa-reserve ng seats na nakita ko nung bumili ako ng ticket. Akala ko no-show na sila eh.

Kaso parang tatlo yung ulo ko nung tingnan ako ng dalawang babae nang maupo ako sa may bandang unahan. Na-wirduhan siguro sa akin. Oh, well. Kebs na lang. Ako nga nawi-wirduhan na minsan sa sarili ko eh.

After some time, may mga dumagdag pa rin naman na mga manonood ng pelikula. Dalawa o tatlong pami-pamilya, dahil pambata naman talaga itong 'Penguins'. (Aside: yung last na pelikula na napanood ko mag-isa ay yung Rurouni Kenshin, pero marami naman akong kasabay manood nun. End aside.)

Ngayon, ano bang nakuha ko sa pinanood ko? Bukod sa cuteness overload, natuwa ako sa ginawang treatment kay Private, na binigyan ng time to shine sa pelikula. I was also touched at the moment when Skipper let down his pride for Private to be saved. Magandang inciting incident for character development. Ang cool nga rin pala nung nagboses sa baby seal. Hindi ako maka-move on sa pagta-tantrums niya. Hahaha.



Hindi ko pa yata nababanggit, pero two years ago, nag-aral ako ng voice acting and dubbing. Kaya natutuwa ako sa mga nagboboses sa mga cartoons at tagalized series. I had a glimpse kasi of what they do for that two months worshop I had. Na-experience ko pa nga mag-dub para sa isang bit part sa Amazing Spider Man sa ABS-CBN. 

But I think the whole experience merits another post.

Anywaaaaaay... Nadala ba ako sa panonood sa sinehan ng mag-isa?

Ehhhhh... no.


At, oo nga pala. Merry Christmas sa 'yo. Salamat sa pagbabasa nito. <3


Saturday, December 20, 2014

Walkout Queen

Ligawin ako.

Kahit na sa pinakamalapit na malaking mall sa bahay namin, minsan, naliligaw pa ako. Madali na nga akong maligaw, mahiyain pa ko magtanong. Pwera na lang kung matter of life or death na. O, may nakasalalay na mabigat na bagay. Halimbawa, noong kinailangan kong kunin yung license ko for teaching sa PRC. Hindi ko kabisado ang Maynila, so alam ko kailangan ko talaga magtanong. No choice ba.

Kanina, get-together dapat namin ng college friends ko. 11 talaga kami, pero lima lang ang nag-confirm na darating. Dapat sa Megamall kami magkikita-kita, I even voted for that meeting place kasi mas kabisado ko yun kesa sa pasikot-sikot na Glorietta/Greenbelt ng Makati. Kaso, na salestalk ako ni A, na mas gusto sa Glorietta/Greenbelt dahil mas malapit sa 'ming mga taga-south. Sabi ko, I voted for megamall kasi mas kabisado ko yun. (Last time kasi that we were there, kinailangan pa nila akong sunduin sa Landmark kasi di ko talaga kabisado yung Greenbelt). Sagot sa kin ni A, magkita na lang daw kami, basta sa Makati na lang ako bumoto. 

And so I did.

Kaso kanina, ala-una na ako dumating ng Makati, sa usapan namin na "lunch time" magmi-meet (note na wala kaming definite na oras). Naka-receive ako ng mataray na text mula sa mataray na kaibigan (re: pagiging late daw namin), na binigyan ko ng one-word reply.

Pagdating ko sa Makati, tinext ko si A kung nasaan na siya/sila, since ang usapan nga namin, dun kami magkikita sa alam kong part ng Glorietta (which is, sabi ko nga sa kanya, yung McDo lang yun sa 2nd floor). She replied na pumunta daw ako sa Glorietta 3, maghanap ng concierge, at itanong kung saang lupalop yung restaurant na kung nasaan sila.

Na-badtrip ako sa nabasa kong text. Pero sige, tuloy pa tin ako sa kung anong alam kong direksyon ng Glorietta. Nakarating ako sa Glorietta 1. Nung tanungin ko kung saan yung Glorietta 3 at binigyan ako ni ate guard ng kumplikadong direksyon, pumasok ako sa nakita kong National Bookstore. Tumulala sa harap ng mga kopya ng Pugad Baboy 26. Tapos, nag-type ako sa cellphone ko ng:

Sorry, mood swing attack. Uwi na lang ako. Merry Christmas.

Nung nakita kong na-send na yung message, in-off ko yung cellphone ko at inihulog sa bag ko. Hanggang ngayon, as I type this post at 11:10 PM, hindi ko pa rin binubuksan ang cellphone ko. 

So, what did I do for the rest of the day? I went South, of course. Pumunta ako ng mall (naka-tatlo ako ng napuntahang mall ngayong araw na ito.) Kumain ng lunch, bumili ng accesories, nagpa-swedish massage, bumili ng art-related stuff, bumili ng libro ni Miriam Defensor Santiago na "Stupid is Forever", at nagsulat ng Chapter Ten ng YA novel ko sa SM food court.





Yung tag ng Forever 21 sa accessories nila, meron din dun sa maliit na mall na napuntahan ko. Parehong-pareho halos yung tag, pero yung presyo, magkalayo. sa Forever 21, 330 pesos yung kwintas. Dun sa maliit na mall, buy 1 take 1 at 99 pesos. Can you guess kung alin sa mga kwintas sa picture yung "original" na nabili ko sa Forever 21?




But I digress. Pwedeng sa iba, OA ang reaksyon ko sa text sa 'kin ng kaibigan ko. Na ang dali-dali namang magtanong, nandoon na rin lang ako, nagsayang ako ng pamasahe, etc.

Pero marami kasing contributing factors ang di ko pagsipot kanina. Like, yung dalawang magkasunod na Christmas Party sa school. Yung una, for the kids. Yung pangalawa, for the staff. Eh ako, hindi man halata, allergic ako sa social interaction. Kaya given the choice? Leaving and going home was easy for me. Akala ko nga pagsisisihan ko, eh. Pero interestingly, hindi mabigat sa loob ko yung ginawa kong pag-180 degrees sa Glorietta.

Ah, basta. Kapag tinotopak ako, tinotopak ako.

Pffft.

Wednesday, December 17, 2014

Molestiya

Putangina.

May estudyante akong babae na dalawang beses sinubukang galawin ng tatay niya kelan lang. Aksidente pa ang paraan kung paano namin nalaman--thru a borrowed notebook-- kaya nalito pa ako nung una kung sino ang nagsulat nung letter of confession to her mother, telling how her father would molest her when he's drunk. At parang sa teleserye, pero ito sa totoong buhay na talaga, ang naging panakot sa estudyante ko ng tatay niya: Na magagalit ang nanay ng estudyante ko kapag nagsumbong siya.

Kitang-kita ko yung iyak, hiya, at takot sa mukha ng estudyante ko habang tinatanong ko ang tungkol doon. Pinilit ko maging stoic, kahit sa loob ko, gusto kong bugbugin yung tatay niyang demonyo. When I got the full story, I composed myself, reported it to the office, and currently, ginagawan na ng paraan ang tungkol doon.

Wala talagang ligtas na lugar sa mundong 'to. Minsan, yung mga taong inaasahan mong poprotekta sa iyo, sila ang nananakit sa 'yo. At doble--triple--yung lalim ng sugat ang nagagawa ng mga ganoong pagkakataon.



Saturday, December 13, 2014

Mens Problems

Ito siguro ang pakiramdam ng mga manananggal kapag nahahati ang katawan nila sa dalawa.

O siguro, hindi lang talaga ako sanay sa menstrual cramps dahil, well, isang beses isang taon lang ako kung magkaroon. 

Kung bakit kasi hindi ko matupad-tupad yung bilin sa 'kin nung OB-GYNE ko... Mag-boyfriend na daw ako para umayos ang hormones ko. 

Psssh. Boyfriend. Manliligaw nga wala.

Wednesday, December 10, 2014

Figurative and Literal Headaches

Masakit ang ulo ko ngayon. Migraine siguro, dahil kalahating side lang ng ulo ko ang kumikirot, na hindi ko alam kung ang sisisihin ko ba ay ang sinusitis ko o ang TMJ (misaligned jaws/bite) ko. Arrggh. Kung kelan ang dami-dami-dami ko pa naman dapat gawin.

Kagagaling lang ng siyudad namin sa dalawang araw na suspension ng classes dahil sa bagyong Ruby, pero ngayon lang ako gumagawa ng prelims para sa dalawang Chriuturo ng Cstian Living Education subjects ko (kinuha akong substitute teacher sa sunod na level dahil nag-resign yung teacher nila at wala pa silang nahahanap na kapalit.) Ngayon lang ako gumagawa kasi hangga't maaari, ilag talaga akong magturo, mag-research, at gumawa ng exam para sa CLE subjects. 

Maski mga kaibigan ko ng college, ayaw maniwala na nagtuturo ako ng religion. Hindi ndaw nila ma-imagine. Ako rin. Napapa-plastikan nga ako sa sarili ko. Ako, nagututuro ng CLE? Eh hindi nga ako nagsisimba tuwing linggo. Malabnaw ang pananampalataya ko. Hindi ako relihiyoso. 

Teka, kailangan ko nga rin pala gawin yung narrative report nung estudyante kong matigas ang mukha na kasu-suspend pa lang, nag-report na yung subject teacher nila sa akin ng isa na naman niyang kalokohan. 

Ang motto ng school namin ayon na rin sa school director, "Shape up, or ship out."

Ipapa-LBC ko na papuntang...Kota Kinabalu itong estudyante ko. Sakit ng ulo. *expletive* 

Saturday, December 6, 2014

Prinsesa ng Junk Shop




Basura ang ikinabubuhay ng pamilya namin. Bata pa lang ako, sanay na ako na ang playground ay mga patas ng bote, dyaryo, karton, bakal, at plastik. Nakaranas na ako maglinis ng bote, magpaldo ng karton, mag-pitpit ng aluminum can, maghiwalay ng puti sa may kulay na papel, at magbalat ng tanso. Meron akong three inches na pilat sa binti, sumabit sa kalawanging yero noong elementary ako.

Noong una, aaminin ko, nahihiya akong sabihin sa mga kaklase ko nung elementary na may junk shop kami. Baka kasi tuksuhin nila akong basurera. Na-outgrow ko naman iyon, at naging proud na rinsa pinagkukuhanan ng kabuhayan ng pamilya namin.

Malaking dahilan ng pagiging book lover ko ay dahil sa inaakyat nina Mommy na mga libro na ibinebenta sa amin ng por kilo. "Inaakyat" kasi sa dalawang palapag na ipinatayo ng mga magulang ko, sa ibaba yung junk shop namin. Yung itaas, yung mismong bahay namin. Gawa sa stainless ang semi-circular staircase, na kapag naka-dress ako, feeling cinderella ako kapag bumaba ng aming hagdanan. 



Which brings me to the reason why I chose to post something about the family business. Kanina kasi, pagbaba ko, nakita ko ang isa sa mga ex-student namin na nagbebenta ng kalakal sa Tatay ko. Kilala siya sa tawag na 'Kamote' sa barangay namin. 18 years old, pero nasa level siya ng grade 1/grade 2 equivalent noong nag-aaral pa siya sa amin. Na-drop na siya a few months ago kasi ang dami na niyang absences, isang bagay na hinihigpitan sa school namin.

Nakita ko na si Kamote agad, pero hindi ako tumingin sa kanya. Nakita ko sa gilid ng mga mata ko na nakita niya ko, at nung una, nag-iwas siya ng tingin. Pero nauna pa rin siyang bumati ng "Ma'am *insert my real name here*", kaya tumingin na rin ako sa kanya at nagsabi ng maikling "O." Hindi ko na siya sinermunan. Ginawa ko na yun dati nung nasa school namin siya. Sinabi ko nang ayusin niya ang buhay niya. Pero wala, mahirap talagang umiba ng landas. 

Kilalang drug pusher ang tito ni Kamote sa lugar namin. Na nang makulong ay yung nanay naman niya (bale lola ni Kamote) ang nagtuloy. Haaay. Aside: Yung tito ni Kamote na drug pusher, pusher lang siya talaga, pero hindi siya user. At alam din sa barangay namin na ginamit niya yung kinikita niya sa pagtutulak para ipampatayo ng ilang apartment para sa mga kapatid niya. Para daw kahit mamatay siya dahil sa pinili niyang business, may ikabubuhay yung mga kapatid niya. Pseudo-robinhood? Siguro. End aside.

I've always thought of our barangay as a 'Tondo-esque' neighborhood. Alam ko naman na may bahagi ng Tondo, Maynila na tahimik, kagaya din lang sa lugar namin. Pero sa bilang ng mga pinapatay, nag-aadik, nagnanakawan, nagbubugbugan, nangho-holdap, nagpapa-pick up (yes, may mga prosti na nakatira sa kabilang kalsada lang ng bahay namin), hindi na ako nagkatataka kung bakit kapag binabanggit ko sa mga estudyante kung saan ako nakatira, ang banat nila sa akin: "Taga-dun ka Ma'am?" o kaya ay "Parang hindi bagay na dun ka nakatira, Ma'am."
Well, ito na ang kinalakhan kong lugar. At ipinapagsalamat ko na rin siguro na dito ako lumaki, dahil sa automatic "street cred" ko sa mga bata sa school namin. Alam ko kung ano ang kinalakhan nilang komunidad. Alam ko kung pano sila kumilos, mag-isip, at magmura. Kilala ko sila.

Dahil kung hindi siguro naging masisipag, matatalino, at people smart ang mga magulang ko... ewan. Siguro tindera na rin ako sa bangketa, kagaya ng trabaho ng karamihan dito sa barangay namin. Siguro, isa na lang din ako sa mga magulang ng mga batang nag-aaral sa school namin ngayon--na halos iyakan kaming mga teacher kapag ipinapasa ang mga anak nila, o kapag gusto na naming i-drop at pahintuin na lang ang anak nila. Mga anak na sinasabi nilang tangi nilang pag-asa sa buhay para hindi na sila maghirap. 

Dahil mahirap maging mahirap.

Wednesday, December 3, 2014

EmotiMath (aka Math for the Emotions)


Ayoko ng math.

Math noong grade three ang pinakauna kong 75% na quarterly test. Lower than 85 ang average ko sa Math noong third year high school kaya daw hindi ako pwedeng maging candidate for honors noong fourth year. Hindi ako nag-dean's list nung college dahil sa 1.75 kong grade sa algebra. 

Pero may mga pakakataon na naisasalba ako ng math. 

Kagaya kanina. Libing ng lola ko, at grabe ang iyak ng nanay ko (teleserye nga lang iniiyakan na niya, ano pa kaya yung pagkawala ng nanay niya). 

Ako naman, kung may maituturing akong special power, iyon ay ang kapasidad ko for empathy. Kaya konting iyak lang ni mommy, at ni tita/ninang na super-close ko, wagas din ang iyak ko. 

Pero dahil nga kailangan ko maging malakas dahil ako nga ang umaalalay sa kanila, ang ginagawa ko, nagko-compute ako sa utak. Tipong, seven plus five plus eight plus thirteen plus sixteen-- tapos kapag sobrang laki na, minus naman. Para gumana yung rational (mathematical reasoning) part ng utak ko. Effective naman.

Dati, ginagawa ko lang yung mental math kapag natatakot ako. Napanood ko kasi sa isang paranormal show na ang pangontra daw kapag natatakot ka (lalo na sa tulad kong writer/creative type) ay ang pagma-math. Ngayon ko lang na-discover, effective din pala siya para pigilan ang sariling umiyak.

Kaya unti-unti, nababawasan ang pagka-bwisit ko sa math. Love-hate relationship siguro ang meron kami.

As for our family, we have another angel up above. 

See you when I see you, lola dear.