Saturday, December 6, 2014

Prinsesa ng Junk Shop




Basura ang ikinabubuhay ng pamilya namin. Bata pa lang ako, sanay na ako na ang playground ay mga patas ng bote, dyaryo, karton, bakal, at plastik. Nakaranas na ako maglinis ng bote, magpaldo ng karton, mag-pitpit ng aluminum can, maghiwalay ng puti sa may kulay na papel, at magbalat ng tanso. Meron akong three inches na pilat sa binti, sumabit sa kalawanging yero noong elementary ako.

Noong una, aaminin ko, nahihiya akong sabihin sa mga kaklase ko nung elementary na may junk shop kami. Baka kasi tuksuhin nila akong basurera. Na-outgrow ko naman iyon, at naging proud na rinsa pinagkukuhanan ng kabuhayan ng pamilya namin.

Malaking dahilan ng pagiging book lover ko ay dahil sa inaakyat nina Mommy na mga libro na ibinebenta sa amin ng por kilo. "Inaakyat" kasi sa dalawang palapag na ipinatayo ng mga magulang ko, sa ibaba yung junk shop namin. Yung itaas, yung mismong bahay namin. Gawa sa stainless ang semi-circular staircase, na kapag naka-dress ako, feeling cinderella ako kapag bumaba ng aming hagdanan. 



Which brings me to the reason why I chose to post something about the family business. Kanina kasi, pagbaba ko, nakita ko ang isa sa mga ex-student namin na nagbebenta ng kalakal sa Tatay ko. Kilala siya sa tawag na 'Kamote' sa barangay namin. 18 years old, pero nasa level siya ng grade 1/grade 2 equivalent noong nag-aaral pa siya sa amin. Na-drop na siya a few months ago kasi ang dami na niyang absences, isang bagay na hinihigpitan sa school namin.

Nakita ko na si Kamote agad, pero hindi ako tumingin sa kanya. Nakita ko sa gilid ng mga mata ko na nakita niya ko, at nung una, nag-iwas siya ng tingin. Pero nauna pa rin siyang bumati ng "Ma'am *insert my real name here*", kaya tumingin na rin ako sa kanya at nagsabi ng maikling "O." Hindi ko na siya sinermunan. Ginawa ko na yun dati nung nasa school namin siya. Sinabi ko nang ayusin niya ang buhay niya. Pero wala, mahirap talagang umiba ng landas. 

Kilalang drug pusher ang tito ni Kamote sa lugar namin. Na nang makulong ay yung nanay naman niya (bale lola ni Kamote) ang nagtuloy. Haaay. Aside: Yung tito ni Kamote na drug pusher, pusher lang siya talaga, pero hindi siya user. At alam din sa barangay namin na ginamit niya yung kinikita niya sa pagtutulak para ipampatayo ng ilang apartment para sa mga kapatid niya. Para daw kahit mamatay siya dahil sa pinili niyang business, may ikabubuhay yung mga kapatid niya. Pseudo-robinhood? Siguro. End aside.

I've always thought of our barangay as a 'Tondo-esque' neighborhood. Alam ko naman na may bahagi ng Tondo, Maynila na tahimik, kagaya din lang sa lugar namin. Pero sa bilang ng mga pinapatay, nag-aadik, nagnanakawan, nagbubugbugan, nangho-holdap, nagpapa-pick up (yes, may mga prosti na nakatira sa kabilang kalsada lang ng bahay namin), hindi na ako nagkatataka kung bakit kapag binabanggit ko sa mga estudyante kung saan ako nakatira, ang banat nila sa akin: "Taga-dun ka Ma'am?" o kaya ay "Parang hindi bagay na dun ka nakatira, Ma'am."
Well, ito na ang kinalakhan kong lugar. At ipinapagsalamat ko na rin siguro na dito ako lumaki, dahil sa automatic "street cred" ko sa mga bata sa school namin. Alam ko kung ano ang kinalakhan nilang komunidad. Alam ko kung pano sila kumilos, mag-isip, at magmura. Kilala ko sila.

Dahil kung hindi siguro naging masisipag, matatalino, at people smart ang mga magulang ko... ewan. Siguro tindera na rin ako sa bangketa, kagaya ng trabaho ng karamihan dito sa barangay namin. Siguro, isa na lang din ako sa mga magulang ng mga batang nag-aaral sa school namin ngayon--na halos iyakan kaming mga teacher kapag ipinapasa ang mga anak nila, o kapag gusto na naming i-drop at pahintuin na lang ang anak nila. Mga anak na sinasabi nilang tangi nilang pag-asa sa buhay para hindi na sila maghirap. 

Dahil mahirap maging mahirap.

No comments:

Post a Comment