
Napahigit ka ng hininga. "Bakit? Ano pong nangyari? Okay pa siya kanina ah?"
Umiling ang nanay mo. "Basta na lang hindi makabangon nang tingnan ko kaninang umaga. 'Di ba nitong mga nakalipas na araw, matamlay siya?"
Bumilis ang paghinga mo. Malalaki ang hakbang mo papunta sa higaan ni Bubbles. Kinagat-kagat mo ang iyong pang-ibabang labi para mabaling doon ang hapdi na nararamdaman mo sa iyong mga mata.
"Bubbles?"
Parang may tumusok sa dibdib mo nang makita mo siyang nakahiga, mukhang wala ng buhay, maliban na lang sa mabagal na pagtaas-baba ng katawan niya.
"Bubbles..."
Tumalungko ka at hinimas siya sa tenga.
"Sorry, Bubbles. Hindi kita matutulungan. Hindi ka namin madadala sa doktor... Alam mo naman, yun nga lang gamot ni nanay, every other day na lang niya naiinom..."
Narinig mo ang naging pag-ingit niya. Nanikip ang dibdib mo sa narinig mong hirap niyang pag-ungot, tanda na gusto man niyang may lumabas na tunog sa bibig niya ay hindi naman niya iyon magawa.
"Bubbles..." Tuluyan ka nang naiyak habang hinihimas ang likuran ng tainga niya. "Thank you kasi lagi mo kaming binabantayan ha? Thank you kasi lagi mo kaming pinapasaya. Thank you kasi tuwing nakikita mo ko, pinaparamdam mo sa 'kin na mahal na mahal mo ko. Sorry ha, hindi kita matulungan ngayon. Sorry talaga... Sige na, pahinga ka na. Pupunta ka naman sigurado sa pet heaven, 'di ba? Kasi mabait ka. Thank you ulit Bubbles ha? I love you."
Tumayo ka at naglakad palayo kay Bubbles. Hindi mo kayang tingnan siya na higitin ang kanyang huling hininga-- hininga na dating inaalay niya ang bawat isa para pagsilbihan ka at ang iyong pamilya.
No comments:
Post a Comment