Simula noong Huwebes ng gabi, wala na 'kong ginawa kung hindi umiyak. Si Lolo Kiko kasi eh, pinapaiyak ako. Pati rin pala si Cardinal Tagle. Apat nang sunod-sunod na araw na namamaga yung mga mata ko. Hindi ako usually iyakin, kaya nagpapasalamat ako na hindi na lang nagko-komento ang mga tao dito sa bahay kung bakit laging maga ang mata ko--at hindi na nagugulat kung bakit panay ang pahid ko ng luha habang nakaharap sa TV at pinapanood si Pope Francis.
Ongapala, late 'tong blogpost na 'to ng isang araw sa Wed/Sat ko na update sched-- a first time sa loob ng apat na buwan mula ng inumpisahan ko 'tong blog. Naging busy kasi ako kahapon ng umaga sa panonood ng misa ni Pope sa Tacloban. Tapos nung hapon hanggang gabi, gumagawa ako ng quarterly exams at TOS (table of specification) para sa anim na iba't ibang subjects na tinuturo ko. Sobrang sabaw na ko nung kinagabihan na hindi ko na kinaya mag-type pa ng post tungkol sa version ko ng 'Francis Effect.' Ayokong lumabas ito na half-hearted. Kaya eto, isang post na bumabali sa sched, para sa isang Pope na paminsan-minsan ay bumabali din ng sched at protocol.
Naligaw na 'ko, sarreh.
Back to the Pope Francis Fever... Ayun, isa ako sa mga naapektuhan niya kahit na nag-decide ako na panoorin na lang siya mula sa TV screen. Nung una, inisip ko pa na pumunta ng Quirino avenue... Kaso ang nagpabago ng isip ko, nung mapanood ko yung balita tungkol sa mga galit na galit na tao sa may Manila Cathedral kasi nagpupumilit sila makalapit sa simbahan. Dahil nagkakatulakan na at nag-aalala na yung mga pulis na baka magka-stampede, may ilan na pinayagan ang mga pulis na maka-tawid sa concrete barrier: mga bata, matatanda, at mga madre. Tapos, isang galit na galit na babae yung sumigaw sa mga pulis ng: "Kaninang madaling-araw pa kami dito! 'Yung iba pinayagan n'yo, tapos kami hinde?!"
Ayos 'yan, naisip ko. Nandun siya para makita ang Santo Papa, pero 'yung ugali naman niya... Napaka... hindi maka-Kristiyano.
Kaya ayun nga, napagdesisyunan ko na dun na lang ako sa bahay manonood at susubaybayan yung mga speech at activities ni Pope. At kesa sa makita siya ng personal to be "blessed," sa tingin ko, mas gugustuhin niya na sundin ko na lang yung mga pangaral niya.
At isa sa mga pangaral niya na tumatak talaga sa akin at susundin ko kahit hindi ko nakasanayan sa loob ng maraming taon, ay ang tungkol sa pagtanggap ng komunyon. It was something na narinig ko mula sa isa sa mga pari na invited ng ABS-CBN, na nabasa ko na rin sa 'Evangelii Gaudium' ni Pope noong ginawang required reading iyon sa aming mga teacher nung nagpa-contest yung pari namin tungkol doon --argh, I am blabbering again. Anyway, the Pope says that:
"The Eucharist is not a prize for the perfect, but a powerful medicine and nourishment for the weak."Kasi hindi talaga ako pumipila para sumubo ng ostiya kapag may misa sa school. Kasi, naiisip ko yung old school na turo sa amin sa Catholic school kung saan ako nag-high school. Na kailangan nakapag-confession ka bago ka pumila para sa komunyon. I'm very much a sinner, and for the longest time, I refused to take in the Eucharist because I feel "unworthy." At dahil nga nasa isa akong Katolikong institusyon pero hindi ako nagkokomunyon sa misa, this has even lead to my students thinking na anti-Christ ako *rolls eyes*
Pero dahil galing na nga sa pinuno ng simbahan ang utos na ituring bilang "gamot" ng kaluluwa ang ostiya, magko-komunyon na ako.
Hindi ako relihiyosong tao, at nakakapagmisa lang ako kapag may misa sa school, kapag Pasko, o may a-attend-an akong binyag o kasal. Pero kung katulad naman ni Pope Francis ang leader ng Romano Katoliko, na mahal ang mahihirap (sa tunay na kahulugan nito), nakikipagtulungan sa ibang mga relihiyon, pinakikinggan at pinapahalagahan ang mga kabataan, may sakit at matatanda... Ang nagsasabi na hindi lang buong araw nasa loob ng simbahan si Hesus... Sa halip ay nasa kalsada siya, hinahanap ang mga nawawala at mga makasalanan niyang tupa...
At dahil nakikita kong nagawa at ginagawa niya iyong mga tinuturo niya, bakit naman ako hindi susunod sa sinasabi niya?
Photo Credit: gmanews.tv |
Pero ang pinaka-paborito ko sa lahat, kapag nagsasalita siya ng Spanish. Kasi nakikita ko dun kung pano siya bilang guro, bilang pastor, bilang pinuno ng simbahang kinabibilangan ko. Nandun yung passion. Mas totoo, mas ramdam ko yung bawat salita. Siguro din kasi sa mga hand gestures niya, na nakuha niya siguro sa mga magulang niyang Italyano.
Pinaka-iniyakan ko yung sa Encounter with the Youth sa may UST. Natawa ako nung sabihin ni Pope na maliit ang representation ng mga babae sa mga nagsalita-- eh iba daw ang prespective na ibinibigay ng mga babae.
Thanks, Pope. Tama ka, macho at patriarchal kasi kaming mga Pinoy. But just like Jesus, who loved the children, the women, the old, and the sick, back in the times when they did not even belong in the ranks of a citizen, the Pope is now stressing their importance. Our importance.
Gusto ko rin yung sinabi niya dun sa last na nagsalita na youth representative na isang Tacloban volunteer, si Rikki. Yes, sabi ni Pope, nagbibigay daw si Rikki ng tulong sa mga kababayan natin, pero marunong din daw ba siyang tumanggap?
Napaisip ako nun kasi... Dahil nga nagta-trabaho ako sa isang institusyon na nangangalaga sa mga mahihirap, pinabayaan, at inabusong mga kabataan, marunong nga ba akong tumanggap? Sa apat na taon na pananatili ko doon, nakinig nga ba ako sa kanila? Ano ang mga natutunan ko sa kanila?
Napa-reflect tuloy ako bigla noon kasi akala ko, matutuwa si Pope kay Rikki. Akala ko sasabihin ni Pope na isa siyang ehemplo ng kabataan. Pero, meron pa rin palang kulang. Hindi pala yun natatapos sa pagtulong. Dapat ding matutong tumanggap.
Nakiiyak ako kay Glyzelle na taga-Tulay ng Kabataan ng tanungin niya ang Santo Papa kung bakit hinahayaan ng Diyos na mangyari sa kanya yung mga pangit na nangyari sa kanya. Kung bakit kaunti lang yung tumutulong sa kanila--
I know their stories all too well. So I was really touched when she was hugged by the Pope. Pakiramdam ko, yung yakap na yun, para na rin sa lahat ng batang kalye na Pilipino. Ayan... Naiiyak na naman ako...
*inhale, exhale*
At ayun... Bukas na ang alis niya. As usual, aantabay na naman ako sa TV para "ihatid" siya in spirit. At alam ko sa puso ko, na kahit umalis na siya at nakabalik na ng Roma, hinding-hindi ko makakalimutan yung palagi niyang hinihiling:
I will always pray for you, Pope Francis. Salamat sa pagbisita at pagbabahagi ng kabanalan, kabaitan, at kababaang loob mo sa aming mga Pilipino.
Mahal na mahal ka namin.
No comments:
Post a Comment