Wednesday, December 31, 2014

Coco is Love.



Wala akong paki sa mga artista... maliban kay Coco Martin.

Kaya kong hindi tumili, magpa-picture, kiligin, kapag nakakakita ng mga artista, pero makakita lang ako ng picture ni Coco, lusaw na ako. Hindi ko pa kasi siya nakikita ng personal. *sobs*

Minsan nga, kapag may mga bumibisitang artista sa school, o ilang mga sikat na personalidad, tinatanong ako ng mga estudyante ko kung bakit hindi daw ako nagpapa-picture kagaya ng ibang teachers o staff. Ang isasagot ko lang sa kanila: "Hindi kasi ako fan." Tapos magbabanggit na lang ako ng ilang mga musikero o writer na kapag sila ang pumunta sa school, siguradong magpa-picture ako. O kaya minsan, ibinibigay ko na ring example si Coco Martin (alam naman na nila na siya ang crush kong celebrity, hehe). 

Pinanood ko sa iWantv.com ng ABS-CBN yung limang episode ng Kris TV na nag-feature ng bahay--mansion-- ni Coco. Doon ko lang din nalaman na naka-feature din pala siya sa January issue ng YES! Magazine. Syempre, bili ako agad.




Ang bongga-bongga ng bahay niya, grabe. Mansion. Mansion talaga. Pero hindi siya raw mahilig magpa-party dun, kasi hindi siya marunong mag-entertain. Hehe. Nabanggit din sa write-up na dati pala, pinilit siya ng mganager niya na mag-aral mag-English at tamang pananamit. Ipa-package siya na a la Piolo and John Lloyd: refined leading men.

Pero ayaw niya. Minahal daw kasi siya ng tao dahil sa kung ano siya: hindi katangkaran, masa, hindi Inglesero. 

True enough, A-lister pa rin siya ngayon kahit na marami siyang flaws. Susme, kapag nga nanonood ako ng interviews niya, madalas ako makarinig ng maling grammar. At dahil dati akong recruiter sa call center, medyo partikular ako doon ... pero... si COCO MARTIN 'YON EH. So, keribels lang.


He has come a long way from the Novaliches kid na naniningil ng pautang ng lola niya. Kwarto pa lang niya, ang laki na ng pinagkaiba noon at ngayon. Pero, sa tingin ko, yung core niya, yung values na itinuro sa kanya ng lola niya, 'yun pa rin. It shows sa mga interview sa kanya, sa trabaho niya, at sa mga naipundar niya. 

Ngayon, ang kailangan ko na lang gawin ay magkatagpo ang landas namin ni Coco my labs.  Goal ko 'yan this 2015. Kasi, sabi niya dun sa YES! Mag interview, ang gusto niya, yung parang lola niya. Marunong magdala ng pamilya, matutulungan siya sa trabaho. Pisces daw yung lola niya (kaya mga isda yung sculpture na nasa front door ng mansion nila)... at.. AT! Pisces din ako. Hihihi.

Paano ka kaya mapapasaakin, Coco Martin?


Saturday, December 27, 2014

The Noise of the Empty Cans


...

Wednesday, December 24, 2014

All for the Love of Penguins

Photo Credit: Rappler.com

Nanood ako kahapon ng 'Penguins of Madagascar' movie sa sinehan. Mag-isa. 

Muntik na nga akong mag-back-out. 7PM yung simula ng palabas, at 6:45 ako pumasok. Kaso, AKO LANG MAG-ISA YUNG TAO SA SINEHAN. Kahit naman anong lakas ng loob ko (kuno), marunong pa rin naman ako matakot. Pero hindi muna ako lumabas, nag-CR muna ako. Medyo nakahinga ako ng maluwag nung may pumasok na taga-linis sa loob. Ambobong tanong, pero tinanong ko pa rin siya kung safe nga ba na manood ako mag-isa. Sabi niya, oo naman daw. Tapos habang nag-uusap kami, may pumasok nang ibang mga moviegoers. "Ayan, sama ka na lang sa kanila," sabi ni ate. Nag-thank you na ako sa kanya tapos bumalik na ko sa loob. Naisip ko nun, sa wakas,  dumating na rin yung dalawa sa apat na nagpa-reserve ng seats na nakita ko nung bumili ako ng ticket. Akala ko no-show na sila eh.

Kaso parang tatlo yung ulo ko nung tingnan ako ng dalawang babae nang maupo ako sa may bandang unahan. Na-wirduhan siguro sa akin. Oh, well. Kebs na lang. Ako nga nawi-wirduhan na minsan sa sarili ko eh.

After some time, may mga dumagdag pa rin naman na mga manonood ng pelikula. Dalawa o tatlong pami-pamilya, dahil pambata naman talaga itong 'Penguins'. (Aside: yung last na pelikula na napanood ko mag-isa ay yung Rurouni Kenshin, pero marami naman akong kasabay manood nun. End aside.)

Ngayon, ano bang nakuha ko sa pinanood ko? Bukod sa cuteness overload, natuwa ako sa ginawang treatment kay Private, na binigyan ng time to shine sa pelikula. I was also touched at the moment when Skipper let down his pride for Private to be saved. Magandang inciting incident for character development. Ang cool nga rin pala nung nagboses sa baby seal. Hindi ako maka-move on sa pagta-tantrums niya. Hahaha.



Hindi ko pa yata nababanggit, pero two years ago, nag-aral ako ng voice acting and dubbing. Kaya natutuwa ako sa mga nagboboses sa mga cartoons at tagalized series. I had a glimpse kasi of what they do for that two months worshop I had. Na-experience ko pa nga mag-dub para sa isang bit part sa Amazing Spider Man sa ABS-CBN. 

But I think the whole experience merits another post.

Anywaaaaaay... Nadala ba ako sa panonood sa sinehan ng mag-isa?

Ehhhhh... no.


At, oo nga pala. Merry Christmas sa 'yo. Salamat sa pagbabasa nito. <3


Saturday, December 20, 2014

Walkout Queen

Ligawin ako.

Kahit na sa pinakamalapit na malaking mall sa bahay namin, minsan, naliligaw pa ako. Madali na nga akong maligaw, mahiyain pa ko magtanong. Pwera na lang kung matter of life or death na. O, may nakasalalay na mabigat na bagay. Halimbawa, noong kinailangan kong kunin yung license ko for teaching sa PRC. Hindi ko kabisado ang Maynila, so alam ko kailangan ko talaga magtanong. No choice ba.

Kanina, get-together dapat namin ng college friends ko. 11 talaga kami, pero lima lang ang nag-confirm na darating. Dapat sa Megamall kami magkikita-kita, I even voted for that meeting place kasi mas kabisado ko yun kesa sa pasikot-sikot na Glorietta/Greenbelt ng Makati. Kaso, na salestalk ako ni A, na mas gusto sa Glorietta/Greenbelt dahil mas malapit sa 'ming mga taga-south. Sabi ko, I voted for megamall kasi mas kabisado ko yun. (Last time kasi that we were there, kinailangan pa nila akong sunduin sa Landmark kasi di ko talaga kabisado yung Greenbelt). Sagot sa kin ni A, magkita na lang daw kami, basta sa Makati na lang ako bumoto. 

And so I did.

Kaso kanina, ala-una na ako dumating ng Makati, sa usapan namin na "lunch time" magmi-meet (note na wala kaming definite na oras). Naka-receive ako ng mataray na text mula sa mataray na kaibigan (re: pagiging late daw namin), na binigyan ko ng one-word reply.

Pagdating ko sa Makati, tinext ko si A kung nasaan na siya/sila, since ang usapan nga namin, dun kami magkikita sa alam kong part ng Glorietta (which is, sabi ko nga sa kanya, yung McDo lang yun sa 2nd floor). She replied na pumunta daw ako sa Glorietta 3, maghanap ng concierge, at itanong kung saang lupalop yung restaurant na kung nasaan sila.

Na-badtrip ako sa nabasa kong text. Pero sige, tuloy pa tin ako sa kung anong alam kong direksyon ng Glorietta. Nakarating ako sa Glorietta 1. Nung tanungin ko kung saan yung Glorietta 3 at binigyan ako ni ate guard ng kumplikadong direksyon, pumasok ako sa nakita kong National Bookstore. Tumulala sa harap ng mga kopya ng Pugad Baboy 26. Tapos, nag-type ako sa cellphone ko ng:

Sorry, mood swing attack. Uwi na lang ako. Merry Christmas.

Nung nakita kong na-send na yung message, in-off ko yung cellphone ko at inihulog sa bag ko. Hanggang ngayon, as I type this post at 11:10 PM, hindi ko pa rin binubuksan ang cellphone ko. 

So, what did I do for the rest of the day? I went South, of course. Pumunta ako ng mall (naka-tatlo ako ng napuntahang mall ngayong araw na ito.) Kumain ng lunch, bumili ng accesories, nagpa-swedish massage, bumili ng art-related stuff, bumili ng libro ni Miriam Defensor Santiago na "Stupid is Forever", at nagsulat ng Chapter Ten ng YA novel ko sa SM food court.





Yung tag ng Forever 21 sa accessories nila, meron din dun sa maliit na mall na napuntahan ko. Parehong-pareho halos yung tag, pero yung presyo, magkalayo. sa Forever 21, 330 pesos yung kwintas. Dun sa maliit na mall, buy 1 take 1 at 99 pesos. Can you guess kung alin sa mga kwintas sa picture yung "original" na nabili ko sa Forever 21?




But I digress. Pwedeng sa iba, OA ang reaksyon ko sa text sa 'kin ng kaibigan ko. Na ang dali-dali namang magtanong, nandoon na rin lang ako, nagsayang ako ng pamasahe, etc.

Pero marami kasing contributing factors ang di ko pagsipot kanina. Like, yung dalawang magkasunod na Christmas Party sa school. Yung una, for the kids. Yung pangalawa, for the staff. Eh ako, hindi man halata, allergic ako sa social interaction. Kaya given the choice? Leaving and going home was easy for me. Akala ko nga pagsisisihan ko, eh. Pero interestingly, hindi mabigat sa loob ko yung ginawa kong pag-180 degrees sa Glorietta.

Ah, basta. Kapag tinotopak ako, tinotopak ako.

Pffft.

Wednesday, December 17, 2014

Molestiya

Putangina.

May estudyante akong babae na dalawang beses sinubukang galawin ng tatay niya kelan lang. Aksidente pa ang paraan kung paano namin nalaman--thru a borrowed notebook-- kaya nalito pa ako nung una kung sino ang nagsulat nung letter of confession to her mother, telling how her father would molest her when he's drunk. At parang sa teleserye, pero ito sa totoong buhay na talaga, ang naging panakot sa estudyante ko ng tatay niya: Na magagalit ang nanay ng estudyante ko kapag nagsumbong siya.

Kitang-kita ko yung iyak, hiya, at takot sa mukha ng estudyante ko habang tinatanong ko ang tungkol doon. Pinilit ko maging stoic, kahit sa loob ko, gusto kong bugbugin yung tatay niyang demonyo. When I got the full story, I composed myself, reported it to the office, and currently, ginagawan na ng paraan ang tungkol doon.

Wala talagang ligtas na lugar sa mundong 'to. Minsan, yung mga taong inaasahan mong poprotekta sa iyo, sila ang nananakit sa 'yo. At doble--triple--yung lalim ng sugat ang nagagawa ng mga ganoong pagkakataon.



Saturday, December 13, 2014

Mens Problems

Ito siguro ang pakiramdam ng mga manananggal kapag nahahati ang katawan nila sa dalawa.

O siguro, hindi lang talaga ako sanay sa menstrual cramps dahil, well, isang beses isang taon lang ako kung magkaroon. 

Kung bakit kasi hindi ko matupad-tupad yung bilin sa 'kin nung OB-GYNE ko... Mag-boyfriend na daw ako para umayos ang hormones ko. 

Psssh. Boyfriend. Manliligaw nga wala.

Wednesday, December 10, 2014

Figurative and Literal Headaches

Masakit ang ulo ko ngayon. Migraine siguro, dahil kalahating side lang ng ulo ko ang kumikirot, na hindi ko alam kung ang sisisihin ko ba ay ang sinusitis ko o ang TMJ (misaligned jaws/bite) ko. Arrggh. Kung kelan ang dami-dami-dami ko pa naman dapat gawin.

Kagagaling lang ng siyudad namin sa dalawang araw na suspension ng classes dahil sa bagyong Ruby, pero ngayon lang ako gumagawa ng prelims para sa dalawang Chriuturo ng Cstian Living Education subjects ko (kinuha akong substitute teacher sa sunod na level dahil nag-resign yung teacher nila at wala pa silang nahahanap na kapalit.) Ngayon lang ako gumagawa kasi hangga't maaari, ilag talaga akong magturo, mag-research, at gumawa ng exam para sa CLE subjects. 

Maski mga kaibigan ko ng college, ayaw maniwala na nagtuturo ako ng religion. Hindi ndaw nila ma-imagine. Ako rin. Napapa-plastikan nga ako sa sarili ko. Ako, nagututuro ng CLE? Eh hindi nga ako nagsisimba tuwing linggo. Malabnaw ang pananampalataya ko. Hindi ako relihiyoso. 

Teka, kailangan ko nga rin pala gawin yung narrative report nung estudyante kong matigas ang mukha na kasu-suspend pa lang, nag-report na yung subject teacher nila sa akin ng isa na naman niyang kalokohan. 

Ang motto ng school namin ayon na rin sa school director, "Shape up, or ship out."

Ipapa-LBC ko na papuntang...Kota Kinabalu itong estudyante ko. Sakit ng ulo. *expletive* 

Saturday, December 6, 2014

Prinsesa ng Junk Shop




Basura ang ikinabubuhay ng pamilya namin. Bata pa lang ako, sanay na ako na ang playground ay mga patas ng bote, dyaryo, karton, bakal, at plastik. Nakaranas na ako maglinis ng bote, magpaldo ng karton, mag-pitpit ng aluminum can, maghiwalay ng puti sa may kulay na papel, at magbalat ng tanso. Meron akong three inches na pilat sa binti, sumabit sa kalawanging yero noong elementary ako.

Noong una, aaminin ko, nahihiya akong sabihin sa mga kaklase ko nung elementary na may junk shop kami. Baka kasi tuksuhin nila akong basurera. Na-outgrow ko naman iyon, at naging proud na rinsa pinagkukuhanan ng kabuhayan ng pamilya namin.

Malaking dahilan ng pagiging book lover ko ay dahil sa inaakyat nina Mommy na mga libro na ibinebenta sa amin ng por kilo. "Inaakyat" kasi sa dalawang palapag na ipinatayo ng mga magulang ko, sa ibaba yung junk shop namin. Yung itaas, yung mismong bahay namin. Gawa sa stainless ang semi-circular staircase, na kapag naka-dress ako, feeling cinderella ako kapag bumaba ng aming hagdanan. 



Which brings me to the reason why I chose to post something about the family business. Kanina kasi, pagbaba ko, nakita ko ang isa sa mga ex-student namin na nagbebenta ng kalakal sa Tatay ko. Kilala siya sa tawag na 'Kamote' sa barangay namin. 18 years old, pero nasa level siya ng grade 1/grade 2 equivalent noong nag-aaral pa siya sa amin. Na-drop na siya a few months ago kasi ang dami na niyang absences, isang bagay na hinihigpitan sa school namin.

Nakita ko na si Kamote agad, pero hindi ako tumingin sa kanya. Nakita ko sa gilid ng mga mata ko na nakita niya ko, at nung una, nag-iwas siya ng tingin. Pero nauna pa rin siyang bumati ng "Ma'am *insert my real name here*", kaya tumingin na rin ako sa kanya at nagsabi ng maikling "O." Hindi ko na siya sinermunan. Ginawa ko na yun dati nung nasa school namin siya. Sinabi ko nang ayusin niya ang buhay niya. Pero wala, mahirap talagang umiba ng landas. 

Kilalang drug pusher ang tito ni Kamote sa lugar namin. Na nang makulong ay yung nanay naman niya (bale lola ni Kamote) ang nagtuloy. Haaay. Aside: Yung tito ni Kamote na drug pusher, pusher lang siya talaga, pero hindi siya user. At alam din sa barangay namin na ginamit niya yung kinikita niya sa pagtutulak para ipampatayo ng ilang apartment para sa mga kapatid niya. Para daw kahit mamatay siya dahil sa pinili niyang business, may ikabubuhay yung mga kapatid niya. Pseudo-robinhood? Siguro. End aside.

I've always thought of our barangay as a 'Tondo-esque' neighborhood. Alam ko naman na may bahagi ng Tondo, Maynila na tahimik, kagaya din lang sa lugar namin. Pero sa bilang ng mga pinapatay, nag-aadik, nagnanakawan, nagbubugbugan, nangho-holdap, nagpapa-pick up (yes, may mga prosti na nakatira sa kabilang kalsada lang ng bahay namin), hindi na ako nagkatataka kung bakit kapag binabanggit ko sa mga estudyante kung saan ako nakatira, ang banat nila sa akin: "Taga-dun ka Ma'am?" o kaya ay "Parang hindi bagay na dun ka nakatira, Ma'am."
Well, ito na ang kinalakhan kong lugar. At ipinapagsalamat ko na rin siguro na dito ako lumaki, dahil sa automatic "street cred" ko sa mga bata sa school namin. Alam ko kung ano ang kinalakhan nilang komunidad. Alam ko kung pano sila kumilos, mag-isip, at magmura. Kilala ko sila.

Dahil kung hindi siguro naging masisipag, matatalino, at people smart ang mga magulang ko... ewan. Siguro tindera na rin ako sa bangketa, kagaya ng trabaho ng karamihan dito sa barangay namin. Siguro, isa na lang din ako sa mga magulang ng mga batang nag-aaral sa school namin ngayon--na halos iyakan kaming mga teacher kapag ipinapasa ang mga anak nila, o kapag gusto na naming i-drop at pahintuin na lang ang anak nila. Mga anak na sinasabi nilang tangi nilang pag-asa sa buhay para hindi na sila maghirap. 

Dahil mahirap maging mahirap.

Wednesday, December 3, 2014

EmotiMath (aka Math for the Emotions)


Ayoko ng math.

Math noong grade three ang pinakauna kong 75% na quarterly test. Lower than 85 ang average ko sa Math noong third year high school kaya daw hindi ako pwedeng maging candidate for honors noong fourth year. Hindi ako nag-dean's list nung college dahil sa 1.75 kong grade sa algebra. 

Pero may mga pakakataon na naisasalba ako ng math. 

Kagaya kanina. Libing ng lola ko, at grabe ang iyak ng nanay ko (teleserye nga lang iniiyakan na niya, ano pa kaya yung pagkawala ng nanay niya). 

Ako naman, kung may maituturing akong special power, iyon ay ang kapasidad ko for empathy. Kaya konting iyak lang ni mommy, at ni tita/ninang na super-close ko, wagas din ang iyak ko. 

Pero dahil nga kailangan ko maging malakas dahil ako nga ang umaalalay sa kanila, ang ginagawa ko, nagko-compute ako sa utak. Tipong, seven plus five plus eight plus thirteen plus sixteen-- tapos kapag sobrang laki na, minus naman. Para gumana yung rational (mathematical reasoning) part ng utak ko. Effective naman.

Dati, ginagawa ko lang yung mental math kapag natatakot ako. Napanood ko kasi sa isang paranormal show na ang pangontra daw kapag natatakot ka (lalo na sa tulad kong writer/creative type) ay ang pagma-math. Ngayon ko lang na-discover, effective din pala siya para pigilan ang sariling umiyak.

Kaya unti-unti, nababawasan ang pagka-bwisit ko sa math. Love-hate relationship siguro ang meron kami.

As for our family, we have another angel up above. 

See you when I see you, lola dear.

Saturday, November 29, 2014

Mga Pagpapaalam

Paalam, minimithing relo na ang presyo ay kalahati ng isang buwang sweldo ko.

Paalam, Sabado na ginugol ko sa eskwelahan dahil sa isang gawaing hindi maiwasan.

Paalam, Lola Dear. Mahal na mahal po kita. Salamat po sa pag-aalaga at mga alaala.

Wednesday, November 26, 2014

Little Miss Cupid


I'm an incurable romantic.
Photo Credit: gumwad201.deviantart.com

Kaya kahit na bawal ang mga boy-girl relationship sa school namin, nagpaka-kupido ako sa ilan sa favorite students ko kanina. Ayaw kasi ng mga pari at madre na nagpapalakad ng school na may magkaka-relasyon sa mga bata. Kung anuano kasing pinagti-tripang gawin ng mga kids na nasa residential care ng foundation. Kahit kasi hiwalay ang dormitories ng mga lalaki at babae, hindi maiiwasan ang mga.. uhm... pagtakas sa dorm at pagtatagpo sa mga  sulok-sulok kapag gabi at tulog na ang lahat. So, supressed ang raging hormones ng mga bata sa amin.

Pero pasaway nga kasi akong teacher.

Konting background: NK, a former student who's now in the freshie/sophomore equivalent level in our school, is celebrating her birthday today. She's one of my favorites even if she doesn't fit the mold of our usual students (mukha siyang rich kid, nanggaling sya sa private school, at nagkataon lang talaga na naghirap sila ng maghiwalay ang parents niya.) I like her 'cause she's very smart, reads voraciously, and always willing to learn new things. Mukhang suplada, pero kebs lang. Ayos nga yun, para hindi siya madaling mabola ng boys.

Then there's R -- a technical vocational student na former student ko din, who was also with my student M in Hong Kong. Magaling din kasi sa football, maputi compared to our regular students, tahimik, and mabait (may pasalubong din daw siya sa akin! sana chocolates din kagaya ng kay M, hehe).

NK has the biggest crush on R. At ang wish ni NK, ma-greet siya ng 'Happy Birthday' ni R,  para kumpleto na daw ang birthday niya.

Syempre, ako naman ay kunsintidorang teacher. Hahaha. Kaya kaninang uwian, hinila ko si R kahit ayaw niya. Nahihiya daw siya, at hindi siya sanay sa ganung mga ka-echusan (which is somewhat true; mahiyain kasi siya talaga at sa football ko lang siya nakikitang agresibo.) Pinakita pa nga niya sa akin yung isang birthday letter ng isa pang student para kay NK, na sa kanya din daw pinabibigay.

Eh biglang sumulpot si NK galing sa paglilinis ng room nila. Hindi ko na pinakawalan si R. I called NK, at lumapit naman siya, in fairness. Inabot ni R yung paper kay NK, sabay sabi niya ng mahinang  "Happy Birthday." Si NK naman, mega-blush, nag-stutter, at naka-dalawa pang sabi ng 'thanks.'

At kenekeleg ako sa kanila. Hihihi.
Photo Credit: fangirloftheopera
Flashback: Thirteen years ago, kinunsinti rin ako ng librarian naming si Miss E. Madalas kasi akong tambay sa library. Love ko si Miss E kasi pinapayagan niya akong iuwi yung ilan sa mga libro na bawal ilabas ng mga estudyante ng library. Sa mga kwentuhan namin na kadalasang tungkol sa current events, libro, pagpapa-straight ng buhok, syempre sumasama yung mga kwentong crush.
Kaya ayun, inutusan niya yung crush kong si RJ (Atty. RJ na pala siya ngayon) during my birthday. May klase kami nun nang bigla na lang akong in-excuse ni RJ, at may inabot sa akin na isang kapirasong papel. Tunganga ako, syempre. Inasar ako ng friends ko, at nainggit sa kin yung isa pang classmate ko na may crush din kay RJ. At ang nakasulat sa papel na mula pala kay Miss E? Simpleng birthday greeting for me, at hoping na I liked her simple "birthday gift".

So now, I'm the one doing that favor to my dear student NK. Parang ano lang ito eh.. uhm.. paying it forward. My turn to be the fairy god teacher. Cheers!



Saturday, November 22, 2014

Sir, Requesting Permission to be Your Girlfriend, Sir!

Dahil sa ilang koneksyones ko in life, nakapanood tuloy ako ng ceremony para sa isang magre-retiro nang heneral sa AFP. Ang dami nilang echos. Kalahati ng speech ay para sa greetings sa mga nandoroon na may posisyon, tapos kalahati, pagyayabang sa mga nagawa niya sa military.

Pero, marami naman akong natutunan. Una, 55 years old pala ang compulsory retirement age nila. Tapos, meron palang mga heneral na after ng retirement sa AFP, napupunta sa corporate world. Doon ko lang din nalaman na sa retirement pala ng mga heneral, binibigyan din ng plaque of appreciation yung asawa nila. Siguro dahil napagtiisan nung wifey ang pagiging asawa ng isang tao na sumumpang uunahin ang bayan kesa sa pamilya?

Na halos nagre-reflect din sa pamilya nila. Halimbawa, isa sa mga anak nung heneral ang hindi nakapunta doon dahil daw sa "pre-law examination lecture" niya. Lecture lang 'yon, oo na't sabihing para yon sa bar exam, pero para ipagpalit mo iyon sa araw na paparangalan yung mahigit tatlong dekada na pagsisilbi ng Tatay mo sa bayan? Para sa akin, it spoke of how was the General with his family-- malamang, marami din siyang napalagpas na importanteng events sa buhay ng mga anak at asawa niya dahil sa tawag ng tungkulin.

Napansin ko rin na yung mga sundalo palang nasa matataas na posisyon, they marry their kind. Kagaya na lang dun sa nag-retire na heneral. General din yung tatay niya, at yung wife niya, anak din ng heneral. May kapatid din siya na heneral din. Ayun. Kapag nag-family reunion siguro sila, pwedeng pangalanan ang anumang laro na gagawin nila na 'Game of the Generals.' Pfft.

Wait lang, napalayo na ko sa dahilan kung bakit 'Permission to be Your Girlfriend, Sir' ang pamagat nitong post.


Ang tagal nilang nakatayo sa initan. Ano kayang iniisip nila?


























Eh kasi... Naalala ko yung CAT (Citizen's Army Training) namin dati nung high school. Meron kasing linya noon yung isang officer na "Sir, Permission to blah-blah-blah, Sir!" na pinapalitan namin dati ng "Sir, permission to collapse, sir!" kapag kami-kami lang magkakaibigan ang nagkakarinigan. Lalo na pag pagod  na pagod na kami sa kamamartsa at kabibilad sa initan. Mas malupit daw yung ROTC sa college, pero ang swerte kasi ng batch namin, dahil pwedeng mamili between ROTC o community service. Syemps dun na ko sa community service. Siguro mga dalawa, tatlong meeting lang yun. Tapos bumili lang kami ng required t-shirt... then, tadaah! Uno na kami.

Naligaw na naman ako, sarreh.

Ahm, yun nga. Kaya iyun yung title ng post na ito ay dahil dun sa nakamayan kong officer. Yiii. Itago natin siya sa pangalang Officer R. Ang lambot ng kamay niya saka ang ganda ngumiti. Kinikilig ako. Hahahahaha.. uhm. Pangalawang beses na naming magkita, actually. At feeling ko, natatandaan niya ko base sa facial expression niya nung makita niya ako at mag-offer siya ng kamay. 

Natutuwa ako ako kay Officer R kasi hindi katulad ng marami sa mga nakakasalamuha kong military men (muli, special thanks to my konekshens), hindi siya mukha at astang mayabang. Mukha siyang humble, mabait, at magalang. Hihihi. 

Probably, in a parallel universe, I was able to blurt out the title of this post to him. 

But in this universe? 

Ehhhhhh.... no. 

Wednesday, November 19, 2014

No Wanderlust Detected

Isa sa mga gamit na gamit na salita sa mga travel blog ang 'wanderlust'. I could  blame my introversion, but I probably have five percent of wanderlust blood running through my blood vessels.

I'm in my late twenties, but I haven't had the chance to travel abroad. Ang pinakamalayo ko nang narating, Palawan. Hindi ako ang magi-initiate o magpaplano ng bakasyon-- laging mga kaibigan, katrabaho, o pamilya ko. Ewan ko... Hindi lang talaga ako gala. Kung may extra akong oras, mas gusto kong magbasa, magsulat, o kaya manood ng nakatengga kong mga DVDs ng iba't ibang TV series  at movies (which reminds me, hindi ko pa rin inuumpisahan yung final season ng House, MD; in denial pa ko na wala ng susunod na season para kina House at Cuddy.)

Naging tungkol sa travels itong post na ito dahil sa naging pagdating ni M, isa sa mga estudyante ko na galing sa 2-week stay sa Hong Kong. It was an all-expense paid professional football training, courtesy of one of our very generous benefactors. May allowance pa nga yung kids na 300 HKD. 

Natutuwa ako para kay M dahil sa lahat ng na-experience niya at a young age. Experiences na kinailangan ko pang brasuhin to squeeze them out of him. Tahimik lang kasi talaga siyang bata. Nagkunwari na lang ako na naiinggit sa kanya dahil sabi ko, naunahan pa niya akong makalabas ng Pilipinas. But nah. I'm just very happy for him, and  just want him to realize how lucky he was. At! May pasalubong daw siya sa 'kin! Yay!

Naalala ko tuloy yung plano kong silent retreat sa Tagaytay this December. Ginawa kasi yun ng isa kong co-teacher nung birthday niya. Ayun, dun pa, naiinggit ako. Yung tahimik lang na araw. Walang gadgets, walang TV, walang internet. I'll do that by December.

'Coz I think, more than my physical body going and exploring different places, mas gusto kong ibakasyon ang utak ko. 

Sa December, pagkatapos ng NaNoWriMo.


Saturday, November 15, 2014

Komikon 2014

Mainstream and Indie Komiks from this year's 'Winter' Komikon 

It's my fourth year of attending the annual Komikon at Bayanihan Center. And as usual, nalagasan na naman ako ng lagpas isang libo, siyet. But one thing that I am proud of, medyo napipigilan ko na ang sarili ko na mang-hoard ng komiks. O magpadala sa sales talk. Basta, masaya ako sa mga nabili ko ngayon. Syempre hindi nawala yung new stuff nina Nino Balita at Ardie Aquino. Then I was also able to get new volumes of Like Man, Patintero, at Dragon Breed.

I met some of my writer-friends too, whom I haven't seen for the longest time. Nayaya nila ako um-attend sa isang book discussion ng isang romance novel na in-adapt recently into a movie. Okay naman. Hati yung mga tao sa kwarto: readers na mga masa at readers na mga coño. Intelektwal yung usapan kaya natuwa ako. Aside: may reader na nakakilala sa akin at nagpa-picture. Nahiya ako, pramis.

Tapos, naibigay ko nga rin pala yung fan art/card na ginawa ng mga estudyante ko para sa mag-asawang Elmer Damaso at Cornelia Damaso. They were deeply touched by the card, and wrote really sweet notes when they signed my copies of Dragon Breed. Pina-dedicate ko na lang sa mga estudyante ko. I'm sure kikiligin yung mga yun.

Anyhoo, it's been a very tiring day, and I still have 1,667 words to write for my NaNoWriMo novel.

Sleep is for the dead.                   
                       
                                       

Wednesday, November 12, 2014

Tagyawat

May nabasa ako dating article na may kinalaman daw ang pwesto ng tagyawat sa mukha o katawan sa ibang bahagi ng katawan mo na may sakit. Halimbawa, acne on lower cheeks speaks something of your health issues regarding lungs and stomach. Hindi ito yung original article--sa yahoo.com ko kasi yun dati nabasa--pero diyan ko na lang nalaman na meron talagang ganung ka-echusan sa Chinese medicine.

Nakakapikon na actually yung mga tagyawat ko na hindi pa lubos na natutuyo at nawawala yung marka ng isa, may kasunod na agad. Paisa-isa sila minsan. Minsan naman, by group. At kung susundin ang ideya na pagiging compass ng tagyawat sa bahagi ng katawan mo na may sakit, mukhang maniniwala na nga yata ako sa Chinese face mapping na iyan.

May tagyawat kasi ako sa gitna ng dibdib, sa mismong tapat ng heart. Senyales at katibayan siguro ng aking broken heart.

Saturday, November 8, 2014

When a Student Teaches



my former student teaching my present students how to draw anime 

J was my student four years ago. We were both newbies at the institution. I was a new teacher, and he was a new student, coming all the way from one of the provinces in the Southern part of Luzon. Masipag, mabait, matalino, tahimik, magaling sa arts. He was an instant favorite among us, teachers. Sa ugaling meron siya, hindi mo aakalaing pang-MMK ang buhay niya (kahit may karapatan naman siyang maging pasaway at galit sa mundo dahil sa mga naranasan niya). Later on, he was also into football. Buwis-buhay siya kung mag-goalie.

Yesterday, I let him teach my students how to draw anime/manga faces for our work ed class (I've given him references weeks before, and gave him a structure for his drawing lesson). He was their "Kuya J," as he is now in technical-vocational level in our school, while my students are just in the Grade 5/6 equivalent. Syempre medyo ibenenta ko muna si J sa mga estudyante ko bago ko siya tinawag, at binalaan yung mga boys ko na wag magko-comment ng anumang kabastusan o mga hirit na "foul" ayon sa aming classroom language. Nag-promise naman silang magbi-behave.

Napapatingin lahat ng dumadaan ng classroom namin kasi first time (I think) na nagkaroon ng student-teacher sa school. Nakakatuwa kasi natuwa naman yung mga estudyante ko in general, kinilig yung mga girls sa Kuya J nila, at hindi naman nakapalag yung mga boys sa kanya.

After that, I gave J the binder + sketchbook na free dun sa drawing book na binili ko. Natuwa naman siya at nagpasalamat sa ibinigay ko, at sa experience na makapagturo. 

Mahirap daw palang maging teacher. Sagot ko, oo naman.

Wednesday, November 5, 2014

Lecheng Megalodon

Hindi ako maka-move on.

Wala kaming sembreak. Well, technically, meron. Wala kaming pasok ng October 30 at 31 (Thursday at Friday). Tapos balik-eskwela ulit kami this November 3.

Wala talagang bakasyong naganap para sa aming mga guro dahil BUSY KAMI SA PAGGAWA NG GRADES. Monday ang deadline. Kailangang ipasa ang Class Record at print-out ng template ng grades per subject. 

Thursday at Friday, pinagsasabay ko ang paggawa ng chapter outline para sa NaNoWriMo novel ko at paggawa ng grades. November 1, Saturday, I wrote my first 1,667 words for my YA novel, plus continued to work on the grades of my 40 students for the 6 different subjects that I handle.

Eh habang nagsusulat ako sa class record sa may salas, narinig ko yung pinapanood na documentary ng tatay ko at kapatid ko sa Discovery Channel. Tungkol sa isang fishing boat na lumubog sa may Capetown, Africa na inatake ng kung anong sea creature, at walang survivors. Pero may video na malabo din kung ano nga ba yung naging attacker nila.

A scientist theorized about this huge shark that locals call as 'submarine'. It got my attention ng banggitin nila yung tungkol sa theory nila that it was a megalodon who attacked the fishing boat. A sea creature that is so huge, it could cut whales into half in one bite.


Photo Credit:examiner.com
Then, nagpakita pa ng pictures ng whale bitten into half somewhere in Mexico, a picture during the World War II of a huge fin seen beside a warship, a picture of a huge fin near the shore somewhere in Africa, etcetera, etcetera, pointing to the possible existence of this dinosaur-ic shark. At dahil less than 5% pa lang talaga ng oceans ng earth ang nae-explore ng tao, plus the global warming phenomenon, the idea of a megalodon surviving extinction and now hunting near humans seemed quite plausible. 

Nakaka-excite talaga as the biologist and his group tried to hunt and trap the megalodon using a crazy weight of shark bait (composed of mean looking fish meat and oils and blood), and a whale decoy that is in the same scale as that of a real one, and they even blasted the sound of a distressed whale. Sa sobrang engrossed ko sa palabas, gumagawa ako ng grades tuwing commercial, tapos balik ako sa panonood with the documentary kapag narinig ko na nag-start na ulit yung palabas.

After all the hulabaloo, and ending, the team had a really, really close encounter with the megalodon. Na muntik pa ngang ikamatay nung dalawang member ng group. At kahit nagawa nilang malagyan ng tracking device, hindi na rin nakapag-send ng signal yung device dahil sa sobrang lalim na yung nalangoy nung creature.

Nabitin ako sa documentary. Gusto ko kasing i-discuss sa Science class ko, kaya nag-Google ako for an update about Megalodon. 

Tapos nalaman kong peke pala yung lecheng documentary na yon ng Discover Channel na dalawang oras kong pinanood (insert expletives here na mahihiya kahit ang mga batang kalye).

Docufiction daw ang bagong term don. Mas gusto ko siyang tawaging 'Nakakagagong Documentary'.

Lecheng Discovery.




Saturday, November 1, 2014

The NaNoWriMo Begins

Photo Credit: nanowrimo.org
50,000 words in 30 days. I have to churn out 1,667 words per day. Eh yung daily word count goal ko ngang 500 words para sa YA novel na sinusulat ko ngayon, bihira ko ma-meet. Kung anuano kasing inuuna ko. Madalas, yung pagiging teacher at pag-aasikaso ng lesson plans at activities kesa pagsusulat. Minsan napapasarap sa pagtingin sa Tapastic, Bored Panda, o 9-gag. O kaya, kahit anumang pigil ang gawin ko, mas pinipili ko ang... uhm... pagtulog. Isa kasi akong tunay na masa: MASAndal, tulog.

Pero ang November ay National Novel Writing Month. And I think I've prepared enough for my daily, small deaths due to excessive writing this whole of November. Chapter outlines? Check. Character profiles? Check. November calendar complete with daily word count and motivational quotes? Check, check, check.

Write on.

Wednesday, October 29, 2014

This Introverted Me


Photo Credit: weknowmemes.com

Ayon sa Myers-Briggs Type Indicator, isa akong rare pokemon. Less than 1% lang ng population ang may personality type kagaya ko. Hangtaray.

INFJ ang personality profile ko, ayon sa website na ito. It feels weird kasi saktong-sakto yung description ng INFJ sa 'kin-- from the behaviors, traits, beliefs, strengths, and weaknesses. And I quote, "INFJs indeed share a very unique combination of traits: though soft-spoken, they have very strong opinions and will fight tirelessly for an idea they believe in. They are decisive and strong-willed, but will rarely use that energy for personal gain – INFJs will act with creativity, imagination, conviction and sensitivity not to create advantage, but to create balance." 

Syempre mas malakas ang sampalataya ko sa mga personality tests kesa sa mga personality profiles according sa Chinese zodiac signs, na madalas pagsanggunian kapag  sa usapang personalidad at pag-ibig ng dalawa sa mga malalapit kong kaibigan. Si NJ, isa sa mga iilan kong kaibigang lalaki, kapag nakakakita ng horoscope, ang binabasa ay yung hindi niya zodiac sign. Kasi lahat naman daw ng nakalagay doon ay generalized idea para maka-identify ang sinuman. In short, wala siyang tiwala sa mga Chinese. Hah.

Kung meron man akong bagong nalaman sa bagong label ko na pagiging INFJ, iyon ay ang naka-program pala talaga ako na maging counselor, teacher, o writer. Na sakto naman sa kinalalagyan ko ngayon. Minsan nga lang, nakaka-upos din. Mahirap din kasing pira-pirasuhin ang sarili para ibahagi sa iba.

But I guess that's in my DNA. I love until I'm all dried up.

Saturday, October 25, 2014

Sino si Bob Ong? (part 2)

Pages from iStatus Nation and Bob Ong Books


Naniniwala akong si Sir Joselito Delos Reyes si Bob Ong dahil sa maraming bagay. Dahil kagaya nga ng nasabi ko sa nauna kong post, hindi talaga maiiwasan na mag-seep in ang ilang bahagi ng pagkatao ng writer sa mga sinusulat niya. Marami sa mga kaibigan, kakilala, lugar na napuntahan, mga kahihiyan, at mga inirog/iniirog ko ay nasa mga librong isinulat ko. 

Kaya ang mga iyon agad ang una kong hinanap sa pagbabasa ng iStatus Nation. At ang mga koneksyong nahanap ko roon patungkol sa mga isinulat ni Bob Ong? Read on:


ABNKKBSNPLAko?! - May bahagi sa iStatus na nagpasalamat si Sir Jowie sa mga teacher niya. Kapareho ng sa green na libro.

Bakit Baligtad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino? - Socio-political itong dilaw na libro, bagay kung saan nagsimulang maging mainstream si Sir Jowie -- dahil sa 'Dear Janet' niyang facebook post.

Ang Paboritong Libro ni Hudas - 'Yung mga conversation na ganito: Boy:, Girl: <end of chat> ay meron sa iStatus at sa itim na libro.

Alamat ng Gubat - Ito, wala akong maisip. Ano... uhm... may mga comic strip din sa iStatus Nation? 

Stainless Longganisa - Longganisang Lucban ang naaalala ko rito. Sa Lucban, Quezon daw nakatira ngayon ang pamilya ni Sir Jowie. Ta's pareho din na merong  mga tanong na parang pang-textbook sa iStatus Nation at dito sa puting libro.

Macarthur - Nabanggit yung Macarthur Highway sa iStatus bilang isa sa mga nadadaanan ni Sir Jowie kapag nagba-bike siya.

Kapitan Sino - (Ma'am) Angel ang pangalan ng asawa ni Sir Jowie. Anghela ang pangalan ng isa sa mga karakter sa silver na libro.

Ang mga Kaibigan ni Mama Susan - Kahit hindi nabanggit, Lucban yung naiisip ko na setting ng violet na libro. Lalo na yung mga life-size na religious statues. Higante pa nga iyong nasa 'Kamay ni Hesus' shrine sa Lucban.

Lumayo ka nga sa Akin - At panghuli, sa pink na libro, naroroon ang pangalan ng panganay ni Sir Jowie, si Divine. Divina nga lang yung pangalan ng karakter doon. Tapos yung 'The Manix Abrera Connection'. Isa sa mga artist na parehong nasa Lumayo... at sa iStatus si Manix Abrera (rakenrol!)


Binanggit din ni Lourd de Veyra sa introduction niya ang tungkol sa paggamit ni Sir Jowie ng font na Comic Sans, na alam ng Bob Ong fans na font ng bobongpinoy.com dati. Naisip ko, kung gustong itago ni Sir Jowie ang pagiging si Bob Ong niya, bakit niya pinayagan na maisama yung note na iyon ni Lourd? Pero, naisip ko rin, mas madaling i-deny ang isang bagay na ni-let out mo agad in the open simula pa lang. Parang reverse psychology. Ganun.

Ah, ewan. Basta sigurado ako, si Sir Jowie si Bob Ong.

Period, no erase.

---

Part One

Part Three



Sino si Bob Ong?

My copies of iStatus Nation and ABNKKBSNPLAKo?!

Naniniwala ako na si Sir Joselito Delos Reyes na nagsulat ng 'iStatus Nation' at si Bob Ong (THE Bob Ong) ay iisa. Paano ko nalaman? Ang pinaka-obvious, ang boses (literary voice) nila ay iisa. 


Marami na ang humula kung sino si Bob Ong. Sabi ng iba, si Sir Vlad Gonzales siya; iyong nagsulat ng 'Isang Napakalaking Kaastigan'. Meron ako ng librong iyon, at sigurado akong hindi siya si Bob Ong. Iba yung lalim at 'kabastusan' niya.

Si Sir Eros Atalia? Nabasa ko na ang 'Ligo na U, Lapit na Me', 'It's Not That Complicated' at iyong koleksyon niya ng mga dagli na ''Wag Lang Di Makaraos.' And nope, hindi siya si Bob Ong. Iba yung tempo, ritmo ng mga pangungusap niya.

Meron ding mga nagsasabi na si Charlson Ong/Klaro de Asis/Lourd de Veyra si Bob Ong. Sabi ng iba, si Bob Ong daw ay grupo ng mga writer. Sinubukan pa nga siyang hanapin dun sa isang news program ni Jessica Soho, to no avail.

Kasi nga, si Sir Jowie si Bob Ong.

Una kong nalaman ang tungkol kay Sir Jowie sa post ng Visprint tungkol sa bago nilang ini-release na mga libro nitong Manila International Book Fair 2014. Binalita kasi nila na hindi makakarating si Sir Jowie sa book signing dahil may sakit siya. Wala sa loob na binasa ko yung post ni Sir Jowie tungkol sa lagnat niya. Sabi ko, pamilyar na boses. Nag-post siya ng picture ng iStatus Nation na nasa rack ng Visprint sa MIBF. Binasa ko yung comments. May isang nag-comment na middle-aged woman tungkol sa pagiging sa nasa iisang rack ang libro ni Sir Jowie at yung "green" na libro. 

And so, I smelled something fishy.

Nag-subscribe ako sa mga facebook posts ni Sir Jowie. I googled his name. Nalaman ko na siya pala yung nagsulat ng open letter na 'Dear Janet' na naging viral last year. Napunta rin ako sa blog niya. Nalaman na isa siyang makata. Nakita ko rin na itinanggi na niya na siya si Bob Ong. 

Pero ang nagpa-kumbinsi talaga sa 'kin ay nung bilhin ko yung 'iStatus Nation.' Kasi marami naman talagang gumagaya sa conversational tone ni Bob Ong, kapareho na rin ng marami ding pwedeng gumaya sa boses ni Celine Dion. Pero, iba pa rin yung original.

Sa pagbabasa ko ng iStatus Nation, marami akong nalaman kay Sir Jowie. At dahil isa rin akong (ehem) writer na nagtatago sa pen name, alam ko na kahit anong pilit ko, lalabas at lalabas ang mga personal na impormasyon, paniniwala, at mga tao, lugar, pangyayari sa buhay ko sa mga isinusulat ko.

Teka, ang haba na pala nito.  Lemme write a part two.

Part Two

Part Three





The Facebook Diet


Photo credit: keepcalm-o-matic.co.uk

A year ago, I had three facebook accounts: one for my personal account, one for my pen name, and one for my teacher's persona. Compartmentalized na pagkatao. Nakaka-dissociative identity disorder.

Hindi alam sa school na pinagtuturuan ko na romance writer ako. Kino-confiscate at sinusunog ng mga madre doon ang Tagalog Romance dahil daw sa mga nakapaloob na sex scenes. Totoo naman na meron yung ilan, pero yung iba naman talaga, wala. Depende sa writer. Pero hindi ko naman yun mapapaliwanag sa mga Sister. Baka pati ako isama nila sa siga.

Marami sa mga kakilala ko, hindi alam na romance writer ako. At yung mga kilala ako sa pen name ko, hindi alam ang tunay kong pangalan. Okay naman sa akin ang pagmi-maintain ng tatlong accounts noong una.

Pero, ewan ko. Nagsawa na lang talaga ako sa mga nababasa ko sa FB. Nag-deactivate ako ng personal account. Tapos dahil naging busy ako sa pagtuturo, at hindi na ako makasagot sa mga reader na nagtatanong kung kailan lalabas ang non-existent kong susunod na libro, ayun, nag-deactivate na rin ako sa FB account ko as a writer. Ang naiwan na lang, yung account ko para sa mga student, na April ko pa yata huling nabuksan.

Pero hindi ko pa rin naman naiwan ang facebook ng tuluyan. Sa ngayon, meron na akong pang-apat na account sa ilalim ng isang fictional na pangalan. At para saan iyon? Iyon na ang nagsisilbi kong site para sa RSS Feeds mula sa mga tao at website na nagsu-suscribe ako: Writers Write, Bored Panda, 9gag, Rappler, Inquirer, publishing houses, at mga paborito kong writer. 

Oo, madalas akong huli sa mga "update" tungkol sa ibang tao, maski sa mga kaibigan ko. Minsan, nag-uusap sila tungkol sa isang post ng isang kakilala na wala akong ideya kung tungkol saan. Nganga lang. Makikitawa ng konti. Tapos magtatanong kapag hindi talaga naintindihan. Oo, nakaka-OP minsan sa usapan. Pero... okay lang naman ako. Hindi naman pala nakamamatay ang pagda-diet mula sa pagfi-facebook.

Pero ang nakaka-miss talaga sa FB, ay yung libreng broadcast ng naiisip mo. 

Kaya naisip kong gawin ang blog na ito.


Monday, October 6, 2014

Ako po si Little Miss Porcupine. *bow*

At ako po ay:


1. Introvert.
2. Tiga-south ng Metro Manila.
3. High school student, noong unang lumabas ang Nokia 3210 sa market.
4. Anak ng may-ari ng junkshop sa isang Tondoesque neighborhood.
5. May kapatid na lalaki na nagta-trabaho bilang software engineer.
6. Nagtapos ng kursong psychology sa isang state university.
7. Kumuha ng educ units at pumasa ng LET.
8. May published works na mga nobelang romansa at komiks.
9. Nagtuturo ng grade 5/grade 6 equivalent sa isang non-formal school.
10. Masugid na taga-subaybay ng Pinoy pop culture.
11. Hindi pa nagkaka-boyfriend. Since birth.
12. Hindi naman pangit, pero hindi rin kagandahan. Sakto lang.

I thank you.